Home » » Outdoor man o covered court, game pa rin ang mga basketbolista sa Palaro

Outdoor man o covered court, game pa rin ang mga basketbolista sa Palaro

Isa ito sa dalawang court na ginagawang venue ng elimination round ng secondary boys' basketball sa Palarong Pambansa sa Antique. Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

ANTIQUE – Kung si Elsa ng pelikulang “Frozen” ay hindi natitinag sa sobrang lamig, hindi rin mapipigil ng init ang mga basketbolista sa iba’t ibang rehiyon ng bansa kahit nakabilad man silang naglalaro.

Sa pagpapatuloy ng aksyon ng basketball sa Palarong Pambansa, marami ang nagulat hindi sa isang gymnasium gagawin ang elimination round ng paligsahan kundi sa mga court sa gilid ng track and field oval ng Binirayan Sports Complex sa bayan ng San Jose de Buenavista.

Ang mga nasabing court ay maaaring maihahalintulad sa tipikal na pinaglalaruan ng mga Pinoy ng basketball sa isang ligang labas. May pa-ilaw na kapag dumating ang takip-silim, maayos ang pintura ng mga linya at shaded lanes, at mainit sa kasagsagan ng tanghali hanggang hapon.

“Sa totoo lang hindi namin in-expect na outdoor ang paglalaruan. Ang alam namin kapag Palarong Pambansa sa gymnasium na iyan,” natatawang ani Eduardo Contante Jr., punong tagapagsanay ng Bicol Region.

Pag-aamin nito sa ABS-CBN, lahat ng kanilang naging paghahanda para sa Palaro ay ginawa sa gymnasium kung saan hindi gaano ang nararamdamang init ng kanyang mga manlalaro.

Ganito rin ang naging pahayag ng head coach ng Zamboanga Peninsula Region sa secondary boys’ basketball na si Gerry Caban. Hindi rin aniya nila inasahang sa labas ang magiging laro ng basketball.

“Pagdating naming dito nag-expect kami na may gym pero wala pala,” tumatawang sinabi ni Caban. Pero hindi kagaya ni Contante, sanay ang bata ng Zamboanga sa court na labas dahil sa ganoon sila nag-eensayo bago tumulak sa Palarong Pambansa.

“Sinabihan ko na iyong mga player ko na huwag nang magreklamo dahil sanay naman kami sa initan,” dagdag pa ni Caban.

Itinanggi rin ng coach ng SOCCSKSARGEN Region na si Gabriel Catolico na malaki ang epekto sa kanyang mga manlalaro ang paglalaro sa outdoor lalo pa’t sa labasan din sila naghahanda noon sa General Santos.

Ayon pa sa kanya, inihanda niya maigi ang kanyang mga atleta sa maaaring maging kalagayan ng laro sa Antique. 

“Sanay kami sa outdoor basketball games kasi karamihan sa amin taga-GenSan pero ang program ko kasi strength and conditioning, talagang nakababad sila sa init for at least 11 a.m. to 1 p.m. May (Tuesdays-Thursdays) sila na ganyan,” pahayag ni Catolico.

Handa rin ang koponan ni Benjie Inong ng Ormoc City sa paglalaro sa ilalim ng initan dahil nasubukan na nilang maglaro sa labas gayundin naman sa isang gymnasium. Pero kung papipiliin, mas gusto niya sana na indoor ang basketball games.

Samantala, napagsabihan na rin ni coach Richard Goldwin ng defending champion National Capital Region ang kanyang grupo sa maaaring maging venue ng basketball sa Palaro.

Kilala ang NCR sa maganda nitong pasilidad pagdating sa iba’t ibang sport kagaya ng basketball. Kaya hindi maitatago na sa de-air condition na gym ang maaaring naging lugar ng kanilang pag e-ensayo.

Subalit hindi ito nakikitang problema ni Goldwin sa kanilang pagdedepensa dahil na rin sa mind set ng kanyang manlalaro.

“Naka-mindset na ‘yung mga players natin sa ganong sitwasyon (mainit). Before we went here, napag-usapan namin ‘yan na kung ano magiging kalagayan sa playing venue. I don't think it will be a problem,” ani Goldwin.

Ayon kay Inong, malaki ang nagiging papel ng temperatura kapag nasa labas ang laro dahil higit na nakakatulong sa paglalaro ng mga bata ang hindi mainit na venue.

Nahihirapan din umano ang mga bata ni Caban sa sobrang init tuwing naglalaro pero binigyang-diin na hindi ito sapat na dahilan upang matalo.

Parehas naman ng pananaw si Contante at Caban na dapat marunong ang mga batang mag-adjust sa kahit anong kalagayan sa kompetisyon.

“Nakakapanibago iyong outdoor dito sa Antique pero sa team kasi dapat ikaw mismo mag-adjust kung ano meron diyan,” ani Contante. “Hindi pwedeng ang court ang mag-a-adjust sa atin.”

Naniniwala naman si Catolico ng Region 12 na sa larong labas na basketball tunay na nasusukat ang tatag ng isang manlalaro.

“Advantage ng outdoor ay makikita mo iyong stamina nung players kung hanggang saan sila mag-a-adjust,” pahayag ni Catolico. “Malalaman mo kung hanggang saan iyong strength nila.”

May ilan ding naging maliliit na naging problema ang mga team sa nasabing palaro kagaya ng mahinang ilaw sa sports complex, dahilan upang hindi gaanong makita ang bola kapag madilim na. Nahihirapan din ang ibang mga manlalaro na makapag-focus sa laro lalo pa’t kasabay ng kanilang laban ang paligsahan sa tennis, athletics at pencak silat sa venue.

Sa kabila ng iilang maliliit na problema, tuloy pa rin ang mainit na bakbakan sa hardcourt ng Palaro. Nakatakdang lumipat ang mga basketball game ng secondary sa EBJ Gymnasium kapag nagsimula na ang quarterfinals.

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.)

Source : news[dot]abs-cbn[dot]com

0 comments :

Post a Comment

Powered by Blogger.